Friday, September 10, 2010

Ang iyong pagyao at ang libong nagpupugay. Paalam Ka Roda.



Huli kong nakita si Ka Roda sa isang tribute sa kanya noong Pebrero 14, 2009. Naimbitahan ang People’s Chorale na umawit ng mga lumang awitin na paborito ni Ka Roda.

Ang repertoire ng People’s Chorale para sa araw na iyon ay Moonriver, Fernando ng Abba na me lyrics na “there was something in the air that night, the stars were bright Fernando (na pinalitan namin ng Medardo), Here, There and Everywhere, at Something Stupid. Pero sa huli, ang 2 kantang inawit namin ay Moonriver at Around the World. Pula ang ni-require na damit para sa mga dadalo at magtatanghal ng araw ng iyon. Pula dahil sa nagpapatuloy at di nagmamaliw na pagpupugay at pagmamahal ng kilusang masa kay Ka Roda, o dahil din siguro araw ng mga puso!

Hindi karaniwan ang araw na iyon. Una, bagamat korni, kadalasan sa araw ng mga puso, aminin man natin o hindi, ay may sariling date ang mga may karelasyon at/o mag-asawa. Hindi karaniwan dahil si Ka Roda ang ka-date ng mga kasama. Parangal/tribute na natatangi at nararapat lamang para sa isang kasamang binansagang “most rebellious driver the country has ever had” ng dating diktador na si Ferdinand Marcos pero most loved sa kilusang masa.

Naalala ko rin a few years back, 2 beses kong nakasabay magpa-acupunture sa Council for Health and Development (CHD) si Ka Roda. Parehong nilalagyan ng aparato ang mga karayom namin na nagdadala ng kaunting electric current. Si Ka Roda ng mga panahon na iyon ay hindi pa naka-wheel chair.

Sa sumunod na pagkakataong nakita ko si Ka Roda, naka-wheel chair na siya. Ito ay sa parangal ni Ka Crispin “Ka Bel” Beltran. Isa si Ka Roda sa mga nagpadaloy ng luha ko sa maraming nag-alay ng awit at pananalita. Hindi naging hadlang ang hirap nya sa pagsasalita nung panahon ng parangal para maramdaman at maipaabot nya ang matinding pighati sa pagpanaw ng isa sa dakilang lider manggagawa ng bansa.

Ngayong ikaw naman ang pararangalan, bukas ala-6 ng gabi sa UCCP, kami naman ang paniyak paluluhain mo Ka Roda – pagkat ikaw ay pinakamamahal di lamang ng mga drayber na iyong pinamunuan sa mahabang panahon bilang dating pangulo ng Piston kundi ng lahat ng sektor na nagpupugay sa di matatawarang kontribusyon mo at paglahok sa pakikibaka ng sambayanang inaapi.

Hindi man inabot ng mga nakababatang henerasyon ng mga tibak ang nakilala naming magaling na lider masa, bubuhayin ang iyong mga alala sa pagpapatuloy ng pakikibaka para sa tunay na kalayaan at demokrasya.


Maraming salamat at pinakamataas na pagpupugay Ka Roda!

1 comment:

Ged said...

Maraming, maraming salamat! Bagamat dama ko pa din ang labis na lungkot, alam kong tapos na ang kanyang paghihirap dahil sa kanyang karamdaman at maligaya na sya ngayon... God bless!- Gerry Roda